Isto-istorya

ISTO-ISTORYA

Philipp Ines

November 25 - December 7, 2018

KUWENTO – KUWENTONG IPININTA

by Kaye Oyek

 

May iba’t ibang anyo ng kabayanihan, at umiigting ang pakikipagsapalaran sa bawat pagsasalaysay. Sa Isto-istorya ni Philipp Ines, ipinakikilala niyang muli ang ilang tauhan mula sa mga tanyag na epikong Filipino.

Ipininta ni Ines ang pagkakamay ng mga mandirigmang sina Aliguyo at Dinoyagan mula sa epikong Hudhud ng mga Ifugao, na dahil sa magkasukat na lakas ay tumagal ng taon ang paglalabanan. Kasama sa pyesa ang sibat ni Aliguyo na kumikinang sa sikat ng araw, at nagmimistulang kidlat sa mabilis nitong pagpaparoo’t parito.

Ang Bantugan ay ukol sa epikong Mindanao na ikinukwento ang kabayanihan ni Prinsipe Bantugan na nawalan ng buhay sa pintuan ng palasyo ng Kaharian ng Lupaing nasa Pagitan ng Dalawang Dagat. Isang loro ang nag-ulat sa kanyang pagkamatay, na naging paraan upang matagpuan ang kanyang bangkay. Dahil sa kalungkutan ng kanyang kapatid na si Haring Madali, pumunta ito sa langit at binawi ang kaluluwa ni Bantugan. Ibinalik ang kaluluwa ni Bantugan sa kanyang katawan, at nabuhay siyang muli.

Maaaninag sa Ibalon mula sa Bikol ang hugis ng tatlong tao – ito ang mga bayaning sina Baltog, Handion at Bantong, na nagtulong-tulong upang magapi ang mabalasik na baboy-ramo, dambuhalang buwaya at mababangis na tamaraw na namiminsala sa kanilang lupain. Kasama sa pinta ni Ines ang baboy-ramo na nakalaban ng mga mandirigma, at nakaguhit ito sa papel na karaniwang ginagamit ng mga mag-aaral ng elementarya.

Hugis lamang din ni Lam-ang ang ipininta sa kambas, na mula sa pinakatanyag na epikong Ilocano. Kasama ni Lam-ang sa larawan ang kanyang tandang na ang malakas na tilaok ay nakapagpabuwal ng bahay ng kanyang nililiyag na si Ines Kannoyan, at ang kanyang alagang aso na sa isang tahol lamang ay nakapagpatayo muli nito. Nasa kanyang paanan ang mga labi ng kanyang mga nakalaban.

Imbes naman na ang mga tauhang Mindanaoan sina Indarapatra at Sulayman, ang kalabang si Kurita na pinagpira-piraso ang inilarawan ni Ines. Maging si Tarabusaw, isang mabagsik na nilalang na naninirahan sa Mt. Matutum ng Cotabato ay kanyang iginuhit, gaya ni Kurita, sa mga pinunit na piraso ng karton na isa sa mga temang tumatawid mula sa mga naunang eksibisyon ng pintor.

Sa paggamit ng krayola, lapis, papel at karton ni Ines sa kanyang mga obra, humuhugot pa rin siya ng mga bagay na nakakintal sa alaala ng kanyang kabataan, at kabataan ng iba pa, na ngayo’y tila nahuhumaling na sa mga elektronikong gadyet at madaliang pagkukulay na dihital. Ibinabalik pa rin ng pintor sa nauna (ngunit di sinauna) ang mga paraan ng pagguhit at pagpipinta ng mga panitikang-bayan. Di rin niya kinalimutan ang paggamit ng pintura upang maipakita ang ganda ng kalikasan sa mga paisaheng nagsisilbing tanawin sa likod ng kanyang mga pigura. Naisiwalat ng eksibisyon na mula sa isang tradisyong pasalita tulad ng epiko, maraming interpretasyong biswal na maaaring magawa. Nagsisilbing paalala ito ng maluwag na puwang sa pagpapahayag ng sining sa iba’t ibang anyo.

Mapupuna rin sa mga imahen sa Isto-istorya ang paglalarawan ng mga bayani hindi sa kanilang palasak na kaanyuan, kundi sa kanilang mga armas, kinalulugaran at hugis. Tila ba ito’y imbitasyon sa tumitingin na makita ang kanilang sarili sa hulma ng mga mandirigmang ito. Ipinapahayag ng pintor, ngunit hindi ipinipilit, ang mga elemento ng kabayanihan, pagmamahal sa bayan at pakikipagtunggali sa mga kaaway. Marahil para kay Philipp Ines, ito na ang bagong panahon para sa mga bayani, at ang Isto-istorya ay paanyaya upang maipagpatuloy ang salaysayin ng mga kagila-gilalas na mandirigmang karapat-dapat sa palagiang pag-alala.