HomeExhibitions2018 ExhibitionsTalaarawan

TALAARAWAN

Alee Garibay & Lui Gonzales

August 11 - 23, 2018

Talaarawan: Mga Tala ng Pag-iral at Pagbabago

Sentro sa pag-iral ng kasalukuyang lipunan ang konsepto ng oras. Oras ang panukat sa sasahurin ng manggagawa. Ipinagdiriwang rin ang paglipas nito tuwing anniversary. Maging ang ‘forever’ ay sintomas ng pagkahumaling sa oras, isang salitang pinipilit gapiin ang pagkagapok ng mga bagay at relasyon bunsod ng pagtakbo ng panahon.

Mulat at hinulma sa ganitong kultura ang eksibit na Talaarawan. Umiinog sa ugnayan ng panahon at espasyo ang mga dibuho nina Garibay at Gonzales, dalawang batang babaeng artistang nagpapamalas ng sariling estilo at punto de bista sa kanilang sining.

Inilalahad ng Talaarawan ang iba’t ibang galaw ng panahon, gaya ng pagkawala, paglipas, pagdaloy, at pagbalik. Sa tema at porma, pinaglalaruan ng mga likha ang konsepto ng oras at ang relasyon nito sa kapaligiran at mga taong nakapaloob rito.

Muli ay naglahad si Garibay ng mga imahe mula sa kanyang personal at pribadong buhay, mga malapitang silip sa pang-araw-araw na karanasan ng isang babae, ina, at pintor sa espasyo ng tahanan. Mahihinuha sa mga pinalabong kulay at pinaglahong/halong linya ang pagsasapin-sapin na laging tampok sa kanyang produksyon. Nagsilbi ang teknik na ito upang bigyang liwanag at gaan ang mga dibuho, mga elementong bihira makita sa mga nauna niyang eksibit.

Sa isang sulyap, madarama agad ang paglipas ng panahon sa sining ni Garibay. Pinalabo at tila gumagalaw ang mga dibuho, mistulang nagpapahiwatig ng kabuwayan ng ating kapasidad na unawain kung ano ang kasalukuyan o kinabukasan, kahit pa sa espasyong lubos nating kilala: ang tahanan.

Mas lantad sa mga likha ni Gonzales ang pagdaloy ng panahon sa espasyo, na kanyang inilarawan gamit ang pagpipilas at pagpapatong ng mga imahe sa papel. Sa ganitong teknik, binigyan ng lalim at talas ang pagtatagpo ng kalikasan at urbanidad, na siyang pinaksa sa limang dibuho ng pintor.

Nilalaman ng mga dibuho ni Gonzales ang kontradiksyon sa pag-angkin sa espasyo ng magkatunggaling panig ng likas at artipisyal gamit ang mga simbolo tulad ng halaman at bakal. Sa halip na makulong sa pamilyar na kwento ng pagsira ng tao sa kapaligiran, nagluwal ang mga dibuho ng iba’t ibang naratibo, gaya ng pag-angkin ng mga hayop sa sukal ng lungsod, o ng pagpapatuloy ng buhay sa kabila ng pagtigil ng oras.

Hinihikayat ng Talaarawan ang tagamasid na siyasatin ang mga kaganapan sa gitna ng walang patid na pag-iral ng oras. Higit pa sa pagmamarka ng paglipas at pagtatapos, ang mga saglit ng pagmumuni ang susi sa pag-unawa sa kabuluhan ng panahon.

—Dianne Marah Sayaman