HIMBING
Alee Garibay
May 11 - 23, 2019
HINGGIL SA HIMBING
Palasak nang paksa sa sining ang pagtulog bagamat hindi nga natutuyo ang ibinubukal nitong inspirasyon at puwersa upang pana-panahong pagbalikan at pagsimulan ng pagninilay at paglikha. Madaling sabihing sa tradisyong ito kagyat na ikinakawing at idinurugtong ni Alee Garibay ang mga piyesa sa Himbing. Sa mabilisang pagtingin, itinatanghal sa mga piyesa ang penomenon/aktibidad ng pagtulog—natutulog na mga nilikha: matanda, bata, lalaki, babae, alagang hayop. Gayunman, higit pa rito, kung pagmamasdang mabuti, ang ipinahihiwatig at iminumungkahi ng mga larawan.
Nagpapanukala ang Himbing. Hindi karaniwang tulog ang inuungkat ng pamagat, hindi mababaw na tulog kundi malalim. May hatid na kapanatagan at kapahingahan. May posibilidad ng makukulay na panaginip at maging ng madidilim na bangungot. Walang sinumang nakababatid, maliban sa indibidwal na dumaranas nito na maaaring makaalala lamang, kung makaaalala, sa paggising, ng pira-piraso ng kanyang pinagdaanan sa paghimbing. Mga pirasong hindi kailanman mabubuo, mananatiling mahiwaga at masalimuot sa maláy na mundo.
Hindi lahat ay nabibiyayaan ng mahimbing na pagtulog. Marami ay mababaw lamang kung makatulog kaya madaling magising sa kaunting kaluskos, ingay man sa loob o labas (ng sarili at tahanan). Nakaaapekto ito hindi lamang sa kalusugan kundi pati na rin sa personalidad kaya maituturing na mapalad ang ibang may kakayahang mahimbing bagamat hindi rin ito garantiya ng anuman. Ito ang kakatwa at kapansin-pansin pa sa Himbing ni Alee: hindi lahat ng karakter sa kanyang mga kambas ay himbing—ang iba ay mulat at direktang nakatingin sa tumitingin (nagtatanong ba o nang-uusig kaya o napasulyap lamang?) gaya ng babaeng tila napahinto sa gitna ng pagbabasa sa gitna ng gabi sa kanyang silid na pinaliliwanag lamang ng lampara at pinatitingkad ang kanyang pag-iisa. Samantala, ang iba naman ay nasa piling ng pangkat at waring abala sa kung-anong gawain sa komunidad, hindi alintana ang pagod at puyat.
Samakatwid, sinisipat at sinusuri rin sa mga obra ang kabalintunaan ng himbing—ang pagiging lutáng (hindi lamang basta gising) ng mga tao: tila tulala at nakatanaw sa kawalan, naglalakad nang tulog, o tulog ang diwa bunga ng iba’t ibang dahilan tulad ng pagbababad sa social media at paggamit ng cellphone. Kaya naman tila nakalutang din ang karamihan sa mga imahen na nagsasapin-sapin sa kadalasan ay malalamlam at malalambot na kulay, tila nasa ibang di-mawaring lunan, bagamat halos pamilyar pa rin, ng panaginip at realidad, pantasya at pangarap, imahinasyon at ilusyon, problema at posibilidad, alaala at ambisyon. Nananatiling nasa mga pagitan.
Sa huli, pinupukaw ng mga piyesa ang matalik na ugnayan ng pagkakahimbing sa kakayahan nating maniwala, manalig. Ipinauunawa na maaari lamang mahimbing kung mayroong ganap na paniniwala. Halimbawa ay sa paniniwalang walang maaaring mangyaring masama kung makakatulog kaya may ganap na pagpapaubaya (tulad ng mababakas na pagpapaubaya sa mukha ng mahimbing na paslit sa isang obra): hahayaan ang pagod na katawan at isipan na magpahinga dahil magpapatuloy namang huminga at higit pa—upang makapagpatuloy huminga, umiral hindi lamang para sa sarili kundi lalo na para sa kapwa. Sa isang banda, gayunman, maaaring tingnan ang ugnayang ito bilang negatibo at mapanganib kamukha ng bulag na paniniwala/pananalig. Kung magkaganito, pinatutunayan lamang din ang kambal-talim kung hindi man maramihang-talim na katangian ng mga likha sa Himbing: lunsaran ng lalim at lawak, liminalidad.
—Ayer Arguelles